LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Inilantad ni Albay 1st district Cong. Edcel Lagman ang ginawang paglulunsad ng “supermajority coalition” ng Kongreso ng malawakang kampanya sa lalawigan para sa charter change o pagpapalit sa Saligang Batas sa pamamagitan ng “people’s initiative” matapos magpatawag ng pagtitipon sa mga alkalde ng lalawigan noong nakalipas na Biyernes.
Ayon kay Cong.Lagman, nakakuha siya ng impormasyong ipinatawag ang mga meyors ng Albay para sa “general meeting” sa isang hindi binanggit na lugar sa lalawigan noong Enero 5. Humarap sa mga alkalde ang isa umanong staff ng kilalang miyembro ng kongresista na isa sa nagsusulong para sa charter change.
Sa naturang pagtitipon, sinabihan ang mga alkalde na ang people’s initiative ang gagamiting paraan para baguhin ang Constitution. Kasabay ng pagpupulong ay binigyan na rin umano ang mga mayors ng “mobilization funds” at “form”na palalagdaan sa mga mamamayan.
Target umano ng grupo na makuha at mapapirma ang “three per cenatum” sa registered voters ng bawat distrito ng bayan kung saan naninilbihan ang mga alkalde.
Ang lalagdang residente ay bibigyan ng P100 bawat isa at 50-porsyento ng pondo ay ibinigay na sa mga alkalde at mga coordinators.
Lumalabas umano na “nationwide” ang hakbang at ang mga mambabatas na kasapi sa iba’t ibang partido ay napadalhan na ng kaparehong forms na palalagdaan.
Binigyang diin ni Lagman, na ayon sa Supreme Court bagama’t ang pagbabago ng Konstitusyon ay pinapayagan sa pamamagitan ng people’s initiative ay wala namang compliant implementing law para rito at sa usapin ng Lambino vs. Comelec ay una nang nag-deny ang katas-taasang korte sa petition for people’s initiative dahil sa tinatawag na “fatal defects”.