MANILA, Philippines — Masangsang na amoy ang naging susi upang madiskubre ng mga awtoridad ang bangkay ng isang retiradong sundalo na napatay ng kanyang kaalitan at inilibing sa loob mismo ng kanyang bakuran sa Binangonan, Rizal, nabatid kahapon.
Ang biktima ay nakilalang si Rodolfo Lirio, isang retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines at residente ng Brgy. Habagatan, sa Binangonan.
Samantala, arestado naman sa isang follow-up operation ang suspek na kinilala lang muna sa pangalang alyas ‘Alvin.’
Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng biktima na nakalibing sa lupa sa Talim Island, Purok 1, Brgy. Habagatan, Binangonan, Rizal.
Nauna rito, nakatanggap umano ng reklamo si Barangay Chairperson Marzen Binaluyo mula sa mga kapitbahay ng biktima na may masangsang na amoy na nagmumula sa compound ng tahanan nito. Dahil dito, kaagad na nagtungo doon ang mga opisyal ng barangay.
Nang tuntunin ang pinagmumulan ng mabahong amoy ay nadiskubre ang bangkay ng biktima na nakalibing sa bakuran kaya’t inireport sa pulisya.
Lumitaw sa pagsisiyasat na naganap ang krimen dakong alas-3:00 ng hapon noong Disyembre 26, 2023.
Nauna rito, sa ‘di pa batid na dahilan ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa, na nauwi sa suntukan.
Sa kasagsagan ng kanilang pagsusuntukan, nakadampot ang suspek ng matigas na bagay at inihataw sa biktima na ikinasawi nito.
Upang itago ang krimen, nagdesisyon ang suspek na ilibing na lamang ang biktima sa sarili nitong bakuran.
Nakapiit na ang suspek at mahaharap sa kasong pagpatay sa piskalya.