Matapos ang masayang bakasyon
MANILA, Philippines — Nauwi sa malagim na trahedya ang masayang pagbabakasyon ng isang pamilya nitong Pasko at Bagong Taon sa Bicol nang sumalpok ang sinasakyan nilang van sa isang malaking puno sa gilid ng highway na ikinasawi ng anim katao at pagkasugat ng 11 iba pa sa kahabaan ng Governor’s Drive, Brgy. Sabang, Naic, Cavite, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jether Tatel Ayuban, 27, driver ng van; Jamie Alibanto Vasquez; Ralph Noel Almoguera Vasquez; Norilie Brocales Vasquez; Lea Alibanto Vasquez; at Geronimo Canaway Dela Cruz.
Ilan sa 11 nasugatan ay kinilalang sina Bernardo Taño; Ariel Rivera; Pante Bry Precillano; Noel Vasquez; Jamin Vasquez; Fernando Rañon; Sanito Brocales; at Jackie Vasquez, pawang magkakamag-anak.
Sa imbestigasyon ni P/Corporal Robinson Tercia, bago naganap ang aksidente, alas-4:30 ng madaling araw ay sakay ang mga biktima ng L300 van (Y2J856) at minamaneho ni Ayuban mula sa pagbabakasyon nitong Pasko at Bagong Taon sa Bicol at pauwi na sa kanilang tahanan sa Cubao, Quezon City.
Dumaan lang ito sa isang lugar sa Naic dahil sa may ibinabang pasahero at habang binabagtas ang Governor’s Drive ay nakaidlip umano ang driver at huli na nang sumalpok ito sa malaking puno sa gilid ng highway.
Sa tindi ng pagkakasalpok ay nawasak ang nasabing van na ikinaipit ng mga sakay nito.