Christmas encounter sa Bukidnon: 9 patay!

Kinumpirma bandang tanghali nitong Lunes ni Army Major Gen. Jose Maria Cuerpo, commander ng 4th Infantry Division, at ng mga opisyal ng Bukidnon Provincial Police Office ang naturang mga insidente na naganap sa Can-ayan, Kibalabag, Kulaman at Mapulo, mga barangay na sakop ng Malaybalay City.
STAR/File

COTABATO CITY, Philippines — Siyam umanong kasapi ng New People’s Army (NPA) ang napatay ng mga tropa ng Philippine Army sa mga hiwalay na engkuwentro sa apat na barangay sa Malaybalay City sa Bukidnon sa mismong pagdiriwang ng Pasko, kahapon ng madaling-araw.                                            

Kinumpirma bandang tanghali nitong Lunes ni Army Major Gen. Jose Maria Cuerpo, commander ng 4th Infantry Division, at ng mga opisyal ng Bukidnon Provincial Police Office ang naturang mga insidente na naganap sa Can-ayan, Kibalabag, Kulaman at Mapulo, mga barangay na sakop ng Malaybalay City.

 Ayon sa mga local officials at mga barangay leaders, inaalam na nila ang mga ulat na kanilang natanggap na nagsasaad na tatlo sa mga NPA na nasawi sa mga engkwentro ay mga amazons, o mga babaeng guerilla. Mas kilala na ang NPA ngayon sa bansag na “communist terrorist group.”

 Sa ulat ng mga opisyal ng 4th ID at ng Police Regional Office-10 na sakop ang Bukidnon, sumiklab ang mga serye ng labanan sa naturang apat na barangay sa Malaybalay City nang paputukan ng mga teroristang NPA ang mga sundalong papalapit sa kanilang kinaroroonan makaraang iulat ng mga residente ang presensya ng mga armadong grupo sa kanilang mga barangay na sapilitan umanong nanghihingi ng pera at pagkain.

Sa tala, mahigit 30 na ang miyembro ng NPA na napatay ng mga kasapi ng mga unit ng 4th ID sa mga serye ng engkuwentro sa mga liblib na bayan ng Bukidnon mula 2022.

Show comments