CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Inaresto ng awtoridad ang isang babae matapos na magbayad ng pekeng pera kapalit ng dalawang product items sa isang tindahan sa public market sa Lopez, Quezon, nitong Sabado.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alias “Cristine”, 44, residente ng Villa Catalina, Dasmariñas City, Cavite.
Si alyas Cristine ay kinasuhan na sa Provincial Prosecutor’s Office dahil sa umano’y illegal na pagdadala at paggamit ng pekeng treasury banks at bank notes at ibang instrument o credit.
Sa imbestigasyon, isang negosyante na nakilalang si Angeles Ballesteros, 70-anyos ang agad na humingi ng tulong sa mga pulis nang isang hindi kilalang babae ang bumili sa kanya ng dalawang pirasong Nestle cream gamit ang isang pekeng P1,000 bill, sa kanyang tindahan sa Lopez Public Market sa Barangay Gomez, Lopez.
Bunsod nito, agad na tumugon ang mga pulis at nagsagawa ng routine patrol bilang bahagi ng kanilang police visibility sa naturang lugar.
Naispatan naman ng mga pulis ang nasabing babae habang patakas na sa nasabing pamilihan.
Nakuha mula sa suspek ang 12 piraso pang pekeng P1,000 bill at narekober ang biniling dalawang Nestle cream.