COTABATO CITY, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng isang mag-ina at isa pang kamag-anak matapos silang masawi nang mauwi sa trahedya ang masaya sana nilang family outing sa isang beach resort sa Barangay Barra, bayan ng Opol sa Misamis Oriental nitong Linggo.
Sa ulat ng Opol Municipal Police nitong Lunes, hindi na naisalba pa ng mga emergency responders ang buhay nina Charlene Delante, anak na si Nica, at ang kanilang kaanak na si Ashley Kilnet na isang menor-de-edad matapos silang malunod sa beach.
Sa salaysay ng kanilang mga kasama sa outing, unang nalunod si Delante at tangka sanang sagipin ni Nica at Ashley na nakumpirmang parehong hindi naman pala marunong lumangoy kaya parehong nilamon din ng dagat at nalunod.
Saka lang napansin na nalunod na ang tatlo ng kanilang mga kasama ng mapunang sila ay nawawala na.
Tinangka pang isalba ng mga rescuers ang isa sa mga biktima na unang natagpuan sa pamamagitan ng basic first aid subalit sila ay nabigo.