2 taga-South Cotabato utas sa pamamaril
KORONADAL CITY, Philippines — Dalawang taga-South Cotabato ang patay matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki dahil sa pinaniniwalaang onsehan sa bentahan ng illegal na droga sa Talitay, Maguindanao del Norte nitong Sabado.
Sa ulat nitong Lunes ng Talitay Municipal Police Station sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, wala nang buhay sina Jerome Labis at Jovino Sepa nang matagpuan sa Barangay Pageda, may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan.
Ayon kay Captain Joel Albao, hepe ng Talitay Municipal Police, si Labis ay taga-Brgy. Canary sa Polomolok habang si Sepa taga-Brgy. Basak, T’boli; pawang sa South Cotabato.
Ayon sa mga police intelligence officials sa South Cotabato, nakatanggap sila ng mga impormasyon na sangkot sa pagbebenta ng shabu sina Labis at Sepa at mga taga-Talitay ang kanilang supplier nito.
Ang Talitay ay kasama sa listahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga transshipment points ng shabu sa Mindanao.
- Latest