3 huli sa paggawa ng iligal na paputok sa Bulacan

Sinisiyasat ng pulis ang mga nasamsam ng mga paputok na illegal na ginagawa ng dalawang suspek sa kanilang bahay sa Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan kahapon.
Omar Padilla

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Tatlo katao ang naaresto habang gumagawa ng iligal na paputok sa magkakahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa dalawang lalawigang ito, kamakalawa.

Sa bayan ng San Ildefonso, kinilala ni P/Lt. Col. Jacqueline Puapo, officer-in-charge ng Bulacan Police Provincial Office ang dalawang naarestong suspek na sina Roy Bernardo, 44, may-asawa, walang trabaho at Manuel Mapi, 32; kapwa residente ng Lubao St., Brgy. San Juan ng nasabing bayan.

Naaresto ang dalawang suspek dakong alas-3:20 ng hapon habang gumagawa ng mga paputok sa loob mismo ng kanilang bahay at walang kaukulang permit.

Nabawi sa kanila ang 20 piraso ng paputok na “Judas belt” o “sawa” na may 1,000 rounds at 10 kilo ng mga firecracker fuse o “mitsa” na aabot lahat sa halagang P7,600.

Sa bayan ng Sta. Maria, naaresto naman si Imelda Gaysis, 56, may-asawa ng No. 1914 Km. 41, Brgy. Pulong Buhangin, sa operasyon dakong alas-4:00 ng hapon habang gumagawa ng iligal na paputok sa kanyang bahay na wala ring kaukulang permit at nakumpiska ang 1-sakong five star (5,000 pcs), 1,500 piraso na paputok na “Pla-Pla” at 100 pirasong “Bawang” na nagkakahalaga ng P6,000.

Show comments