3 huli sa paggawa ng iligal na paputok sa Bulacan
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Tatlo katao ang naaresto habang gumagawa ng iligal na paputok sa magkakahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa dalawang lalawigang ito, kamakalawa.
Sa bayan ng San Ildefonso, kinilala ni P/Lt. Col. Jacqueline Puapo, officer-in-charge ng Bulacan Police Provincial Office ang dalawang naarestong suspek na sina Roy Bernardo, 44, may-asawa, walang trabaho at Manuel Mapi, 32; kapwa residente ng Lubao St., Brgy. San Juan ng nasabing bayan.
Naaresto ang dalawang suspek dakong alas-3:20 ng hapon habang gumagawa ng mga paputok sa loob mismo ng kanilang bahay at walang kaukulang permit.
Nabawi sa kanila ang 20 piraso ng paputok na “Judas belt” o “sawa” na may 1,000 rounds at 10 kilo ng mga firecracker fuse o “mitsa” na aabot lahat sa halagang P7,600.
Sa bayan ng Sta. Maria, naaresto naman si Imelda Gaysis, 56, may-asawa ng No. 1914 Km. 41, Brgy. Pulong Buhangin, sa operasyon dakong alas-4:00 ng hapon habang gumagawa ng iligal na paputok sa kanyang bahay na wala ring kaukulang permit at nakumpiska ang 1-sakong five star (5,000 pcs), 1,500 piraso na paputok na “Pla-Pla” at 100 pirasong “Bawang” na nagkakahalaga ng P6,000.
- Latest