Bicol region dinedma ang tigil-pasada ng PISTON

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Muling pumalya ang panawagang dalawang araw na transport strike ng Piston o Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide matapos ‘di sumama ang mga transport group sa Bicol Region.

Naging normal ang biyahe ng lahat ng pampasaherong jeepney, bus, van at iba pa sa buong rehiyon. Wala ring bayan o lungsod ang nagsuspindi ng klase o trabaho.

Binigyang diin ni Joemil Marcellana Mujar, chairman ng BitCoop o Bicol Intercity Transport Cooperative, na bagama’t nakikisimpatiya sila sa ipinapaglaban ng mga kasamahan sa ibang transport organization na proteksyonan ang pang-araw araw na pangangailangan pero tapat sila sa sinumpaang bigyang serbisyo ang lahat ng mananakay.

Noon pa man ang BitCoop ay sumusuporta na sa modernisasyon ng transportasyon sa bansa kasama na ang makabagong mga teknolohiya.

Kamakalawa ay una nang inanunsyo na hindi sasabay ang kanilang grupo sa Kabikulan na may mahigit isanlibong kasapi mula sa ibat-ibang passenger utility vehicle group sa rehiyon na may isandaang ruta lalo na sa mainland provinces gaya ng Sorsogon, Camarines Sur at Albay at patuloy na magseserbisyo.

Halos wala na umanong lakas at kokonti na lang ang miyembro ng PISTON sa Bicol kung saan ang presidente sa naturang grupo ay kasapi na nila sa BitCoop.

Show comments