Sa custodial facility ng Tanza Police
CAVITE, Philippines — Wala nang buhay nang matagpuan sa loob ng comfort room (CR) ng kulungan ang isang preso matapos umanong pagtulungang gulpihin at hinihinalang plinastik ang ulo nito ng 9 na kapwa preso sa Male Custodial Facility ng Tanza Police Station sa Brgy. Daang Amaya 1, bayan ng Tanza, dito sa lalawigan, kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang pinaslang na inmate na si Ronquillo Dela Cruz, nasa hustong gulang.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:15 ng umaga nang madiskubre ang wala nang buhay na biktima sa loob ng palikuran ng kulungan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nang nasabing oras kasalukuyang nagsasagawa ng head count ang duty jail guard sa mga preso at lumabas na kulang ng isa sa mga nakakulong.
Bunsod nito, agad hinanap ng mga jailguard ang nasabing preso hanggang sa tumambad sa kanila ang biktima na nakahandusay sa loob ng CR ng kulungan at wala nang buhay.
Agad na itinakbo sa pagamutan ang biktima subalit hindi na naisalba pa ang kanyang buhay ng mga manggagamot.
Lumalabas sa pag-iimbestiga ng pulisya na 9 na presong kasamahan ng biktima na kinilala lang sa mga alyas na Joselito, Mike, William, Dennis, Miko, Ronnel, Nhezel, Christian at Arjay, ang lumalabas na mga suspek sa krimen.
Napag-alaman na pinagplanuhan umanong patayin ng mga inmates ang biktima. Hinihinalang sinakal at ginamitan ng plastik ang ulo ng biktima hanggang sa hindi makahinga.
Wala pang maibigay na motibo at iba pang dagdag na detalye ang Tanza Police hinggil sa insidente.