MANILA, Philippines — Dalawang dayuhang barko na may flag ng Taiwan at Bangladesh ang nagsalpukan habang naglalayag sa karagatang sakop ng Ilocos Sur, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), alas-9 ng gabi nang magbanggaan ang Sheng Feng No. 12, isang Taiwanese fishing vessel at isang pinaghihinalaang Bangladeshi bulk carrier sa karagatan, may 77 nautical miles ang layo sa baybayin ng Candon, Ilocos Sur nitong Martes ng gabi.
Ayon sa PCG, agad na nirespondehan ng kanilang mga tauhan ang insidente matapos silang makatanggap ng ulat hinggil sa banggaan.
Nabatid na unang tumawag sa PCG Command Center si Taiwan Coast Guard Attaché, Commander Arthur Yang na siyang nag-ulat sa insidente.
Sinabi ni Yang na nagtamo ng pinsala ang fishing vessel at kinakailangan ng portable pump para matanggal ang tubig na pumasok dito.
Agad na nirespondehan ng BRP Malapascua (MRRV-4403) ang lugar at natagpuan ang fishing vessel dakong alas-10 ng umaga. Agad na nagbigay ng tulong ang PCG sa naturang fishing vessel.
Nabatid naman na nagmula ang suspected Bangladeshi-flagged bulk carrier sa Changsu, China at patungo ng Muara Berau, Indonesia nang makabanggaan umano nito ang nasabing fishing vessel.
Inirekomenda ng PCG at Taiwan CG sa may-ari ng Sheng Feng No. 12 na maglayag sa pinakamalapit na pantalan sa Hilang Pilipinas para masuri nang maayos ang kondisyon ng bangka at matiyak ang kaligtasan ng limang Indonesian at dalawang Taiwanese na tripulante nito.