LUNGSOD NG MALOLOS, Philippines — Sa paghahangad na mapataas ang kanilang kahusayan at mas mapabuti ang kanilang mga kakayahan, nagsagawa ang Provincial Civil Security and Jail Management Office (PCSJMO) ng “Custodial Intervention Seminar” sa Bulacan Provincial Jail sa Kapitolyo ng Bulacan, na dinaluhan ng mga miyembro ng Bulacan Provincial Jail Custodial Force.
Sa pangunguna ni PCol. Rizalino A. Andaya, may kabuuang 74 na tauhan mula sa BJP custodial force ang sumailalim sa matinding pagsasanay kung saan nagkaroon sila ng pagkakataong palakasin ang kanilang kumpiyansa sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyong maaaring maganap habang sila ay gumaganap sa tungkulin habang nirerespeto ang karapatang pantao ng mga persons deprived of liberty (PDLs) at kung paano ito ipatutupad sa detention facility, gaano man kaseryoso ang inakusang krimen sa kanila.
Kabilang sa mahahalagang itinuro ni PCol. Andaya ay ang tamang paghawak ng baril kabilang ang wastong tindig, basic principle sa sight picture, tamang gripping, squeezing at tamang paghinga; handcuffing, weaponry at crowd control para sa pagkakataong magkaroon ng close quarters battle katulad ng pagkakataong may nakatakas na PDL; tamang approach sa jailbreaks, riot at mga kalamidad.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na sa pamamagitan ng pamumuhunan sa iba’t ibang pagsasanay at pagpapaunlad ng mga jail guard, hindi lamang tinitiyak ng lalawigan ang kaligtasan at seguridad ng mga correctional facility kundi nakatutulong din ito sa recovery at eventual societal reintegration ng mga nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
“Ang inisyatiba na ito ay hindi lamang para sa pagpapaunlad ng ating mga jail guards kundi isang pangako rin sa isang mas epektibo at makataong criminal justice system dito sa ating lalawigan,” ani Fernando.