Pinaputok mula sa M79 grenade launcher
COTABATO CITY, Philippines — Patay ang isang mister habang limang kasamahan nito ang malubhang nasugatan matapos na sumambulat sa kanilang harapan habang nag-iinuman ang bumagsak na isang 40 millimeter grenade projectile sa Barangay Pilar, South Upi, Maguindanao del Sur nitong madaling araw ng Biyernes.
Sa pahayag ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza nitong Sabado, hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si Nestor Amborgo, Jr., magsasaka sanhi ng tinamong grabeng mga sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan dulot ng pagsabog.
Sa ulat nitong Sabado ng hapon ng pulisya at mga bomb experts ng Philippine Army na tumungo sa malayong Barangay Pilar upang magsiyasat sa insidente, may natagpuan silang mga parte ng 40mm grenade projectile na sumabog sa Sitio Mafran kung saan nag-iinuman sina Amborgo at ang mga kasamang sina Jemvoy Denuman, Alvin Causrin, Jimrod Mutiha, Jem Amborgo at Joem Sentina.
Ayon sa joint PNP-Army ordnance team, pinaputok mula sa malayo ang naturang grenade projectile gamit ang M79 launcher o isang M203 rifle at bumagsak at sumabog sa kinaroroonan ng mga biktima na nag-iinuman.
Nagtutulungan na ang mga barangay officials sa Pilar at mga imbestigador ng South Upi Municipal Police Station na alamin kung sino ang responsable sa naturang pagpapasabog.
Tinitingnan ng pulisya ang posibleng anggulo sa pagsabog kaugnay naman sa mga armadong mga angkan sa South Upi na nag-aagawan ng mga lupang sakahan sa kapaligiran ng Barangay Pilar, ayon sa mga opisyal ng South Upi Police.