Tribo, natuwa sa napipintong copper, gold mining sa Cotabato

Ang mga Blaan at T’boli sa South Cotabato habang nagsasagawa ng malayang pagkilos para ihayag ang kanilang kagustuhang ipamina na ang depositing copper at gold sa kanilang bayan sa Tampakan.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Ikinagagalak ng mga etnikong Blaan at T’boli ang nakatakdang pagmimina ng copper at gold sa isang bayan sa South Cotabato na posibleng magsisimula na sa susunod na taon na kanilang inaasam na maganap mula pa noong 1996.

Kinumpirma nitong Huwebes, December 7, 2023, ng matataas na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources 12 at mga tribal leaders ng dalawang tribo na wala pang naisasagawang pagmina ng copper at gold sa bayan ng Tampakan at ito ay magsisimula pa lang sa taong 2024-2025.

Ayon kay Blaan tribal leader Domingo Collado, Indigenous Peoples Mandatory Representative sa Sangguniang Bayan ng Tampakan, nagagalak sila na pasisimulan na ang mining operations sa kanilang bayan ng isang pribadong kumpanya na may pahintulot mula mismo sa Malacañang.

Ayon kay Collado, malaking kaginhawaan para sa tribong Blaan ang pagmina sa kanilang ancestral lands ng depositong copper at gold na  hindi bababa sa US$ 200 billion ang halaga, batay sa tantya ng mga geologist at mining engineers ng DENR at mula sa Europe at Australia.

Isang T’boli tribal leader na si Edmund Ugal ay nagpahayag na masuwerte ang mga Blaan sa Tampakan dahil sa benepisyong kanilang matatamasa sa mining operations sa naturang bayan.

Ayon kay Blaan tribal leader Dalena Samling, nakakatiyak na silang magiging maunlad ang Tampakan kapag ganap nang masimulan ang operasyon ng Sagittarius Mines Incorporated, sa pahintulot ng national government.

Show comments