MANILA, Philippines — Nilagdaan ng National Irrigation Administration (NIA) at ng Provincial Government of Cavite (PGC) ang isang memorandum of agreement (MOA) nitong Huwebes, tungkol sa utilization ng water resources ng lalawigan.
Mismong si Cavite Gov. Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang lumagda sa MOA kasama si NIA Administrator Eduardo Eddie Guillen at Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra na sumaksi sa kaganapan sa Presidential Guest House sa Malacañang.
Nakasaad sa MOA ang pag-optimize sa paggamit ng tubig nang hindi nakokompromiso ang mahahalagang pangangailangan sa patubig ng sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng MOA, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite ay makikipagtulungan sa NIA upang matiyak ang responsable at napapanatiling paggamit ng mga yamang tubig, na naglalayong iayon sa mga umiiral na batas ng pamamahala.
Dahil sa inisyatiba, ang labis na tubig sa irigasyon ng NIA ay gagamitin ng munisipyo.
Sinabi ni Remulla na 28 taon na siyang nasa serbisyo publiko naobserbahan niya na walang madali sa Pilipinas. Inilarawan din niya na “conclusive” ang kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.