Briton na wanted sa child abuse at paggawa ng porno, tiklo

Kinilala ang suspek na si Peter Joseph Wheeler na inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Isang British national na umano’y may kasong child abuse at child pornography sa kanilang bansa ang naaresto sa Taytay, Rizal matapos ang mahigit 10 taon na pagtatago sa Pilipinas.

Kinilala ang suspek na si Peter Joseph Wheeler na inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit.

Nahatulan umano si Wheeler noong 2009 dahil sa kasong making, possessing, at distributing indecent photographs of children.

Mayroon din siyang mga record ng sexual offense sa ilang menor de edad sa England.

Ayon kay Bureau of Immigration Fugitive Search Unit Chief Rendel Sy, taong 2012 nang makapasok sa bansa si Wheeler.

“May kasama siyang menor de edad, sabi ay anak niya, pina-interview natin ito sa DSWD [Department of Social Welfare and Development] para makita kung may signs of abuse, at maging sa neighborhood niya nagpa-check din tayo baka maaaring may nabiktima rin siya doon,” ayon kay Sy.

Sinimulan na ng BI ang deportation procedures laban kay Wheeler.

“Kahit meron siyang permanent resident visa, ito po ay cancelled. Once implemented po ang deportation, hindi na siya makakabalik sa Pilipinas because of his blacklisting,” ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval.Nakadetine ang Briton na suspek sa Camp Bagong Diwa.

Show comments