MANILA, Philippines — Inireklamo ng pamilya ng isang 17-anyos na lalaki sa Matag-ob, Leyte Police Station ang alkalde ng naturang bayan dahil sa panununtok umano sa biktima sa isang pampublikong terminal sa naturang munisipalidad noong Disyembre 2.
Sa reklamo na inihain ni Ronald Pedrano, 47, ama ng biktimang itinago sa pangalang JR, dakong ala-1:00 ng madaling araw umano nang sampalin, at tatlong beses na suntukin sa sikmura ni Mayor Bernardino Tacoy, alkalde ng bayan ng Matag-ob, ang tinedyer sa public terminal sa may Brgy. Talisay, Matag-ob, ng naturang lalawigan.
Sa medico-legal certificate mula sa Kanangga Municipal Hospital at pirmado ni Dr. Sharon D. Awit, nagtamo ang binatilyo ng pasa sa mukha at sa sikmura.
Sinabi ni JR na maaari umano na napagkamalan siya ng alkalde na kabilang sa mga kabataan na nag-umpisa ng away sa isang “street disco party” sa lugar. Ayon naman kay Ronald, nakararanas umano ngayon ng matinding “mental trauma” ang kaniyang anak at ayaw na niyang pumasok ng paaralan.
Nangangamba rin ang kanilang pamilya sa kanilang kaligtasan dahil sa ginawa nilang pagrereklamo laban sa alkalde.
Sa kaniya namang Facebook post, tahasang itinanggi ni Tacoy ang akusasyon ng pananakit laban sa kaniya na iginiit niyang pagtatangka para sirain umano ang kaniyang reputasyon.
Iginiit niya na isang grupo ng lalaki ang nanggulo sa “lights and sounds crew” sa street disco at rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa alterkasyon.