MANILA, Philippines — Inianunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na dalawang bettors mula sa Cebu at Sultan Kudarat, ang maghahati sa mahigit P30 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45.
Matagumpay na nahulaan ng mga ito ang six-digit winning combination na 04-34-02-28-42-20 na binola ng PCSO noong Oktubre 25, 2023, kaya’t naiuwi nila ang katumbas nitong premyo.
Ayon sa PCSO, ang mga lucky winners ay kapwa dekada nang parokyano ng lotto games ng PCSO bago pinalad na magwagi ng jackpot.
Nabatid na ang bettor mula sa Sultan Kudarat ay kumubra ng kanyang premyo noong Nobyembre 7, 2023 lamang.
Siya ay benepisyaryo rin ng financial assistance sa ilalim ng Medical Assistance Program para sa dialysis at kanyang pagpapaospital matapos na ma-stroke.
Samantala, Nobyembre 9 naman nang kumubra ng panalo sa lotto ang winning bettor mula sa Cebu.
Kaugnay nito, hinihikayat ng mga lucky bettors ang publiko na patuloy na tumaya sa lotto, na siyang nagpopondo sa mga charity ng PCSO.