Malawakang brownout sa Batangas, iniaangal
Perwisyo sa negosyo at trabaho
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Umaalma na ang mga residente ng iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Batangas dahil sa hindi umano maayos na serbisyo ng Batangas Electric Cooperative II (Batelec II) bilang kanilang electric power provider sanhi ng sunud-sunod na brownout.
Ang nasasakupan ng service area ng Batelec II ay ang mga bayan ng Lipa City at Tanauan City at Alitagtag, Cuenca, Mataas na Kahoy, Balete, San Jose, Mabini, Tingloy, Rosario, Padre Garcia, Taysan, San Juan, Lobo, Malvar, Talisay at Laurel.
Halos iisa ang idinadaing ng mga residente na sina Nina Bilogo ng Taysan, Batangas at may-ari ng isang piggery; Mae Panganiban, isang house wife na taga-Lobo, Batangas; Ruth Manguiat ng Mabini, Batangas at Yanna Yee ng Lipa City, na kapwa online worker at parehong “work from home” na ang malimit na mga brownout sa kani-kanilang lugar at ang mataas na singil nito.
Ayon sa mga residente, malaking perwisyo sa kanila ang mga biglaang nangyayaring brownout at maging ang mga scheduled brown-out na kalimitan ay tumatagal ng maghapon at magdamag.
Maging ang dalawang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Lobo na sina Konsehal John Michael Anyayahan at Konsehal Mark Tiu ay nagpahayag na ng kanilang pagkadismaya sa serbisyo ng Batelec 2.
Gumagawa na rin ang dalawang konsehal ng isang resolusyon upang iparating sa mga matataas na opisyal ng Batangas at maging sa Kongreso kung paano masusulosyunan ang nasabing problema.
Kamakailan ay naghain ng isang resolusyon si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo kasama ang apat pang mambabatas upang patanggalan ng prangkisa sa Kongreso ang mga electric cooperative na bigong makapagbigay ng maaasahan at murang suplay ng kuryente.
Samantala, sa panayam kay Joan Orias, Consumer Services and Public Relations Department manager ng Batelec 2, ipinaliwanag nito na ang masamang panahon at mga pagkidlat na nagdudulot ng mga pagkasira ng kanilang mga power insulators at transformers ay ang malimit na nagiging dahilan ng kanilang mga unscheduled power interruption.
- Latest