Bumbero huli sa pangongotong sa BFP applicant

MANILA, Philippines — Arestado sa joint ­operation ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detective Group (CIDG)-Zamboanga del Sur at Bureau of Fire Protection (BFP) ang isa nilang tauhan na inireklamo ng pangingikil sa isang BFP applicant sa Zamboanga del Sur.

Nakilala ang suspek na hindi na pumalag nang arestuhin na si Fire Officer 3 Jesson Albios Casanes, 35- anyos, nakatalaga sa Isabela City Fire Station sa Basilan at residente ng Purok Malaumon, Barangay Poblacion, Malangas, Zamboanga Sibugay.

Batay sa report ni FCSupt. Renato Marcial, nakatanggap sila ng report hinggil sa maling gawain ni Casanes sa mga nagnanais namang pumasok sa BFP.

Agad na pinaberipika ni Marcial ang impormasyon­ hanggang sa ikasa ang entrapment operation dakong alas-5:15 ng hapon sa Purok Crossing, Brgy. Sicade, Kumalarang, Zamboanga del Sur. 

Dinakma ng mga awtoridad si Casanes nang tanggapin nito ang extortion money na P400,000 mula sa isang aplikante ng BFP kalapit ng pagtiyak na matatanggap siya sa kawanihan.

Ayon kay Marcial, hindi nila pinapayagan at kinukonsinte ang ganitong gawain bilang bahagi ng kanilang internal cleansing.

Nagpasalamat din ang opisyal sa PNP-CIDG sa maagap na pagtugon sa reklamo.

Show comments