2 dayuhang moneylender, pinatay!

Unang napatay ng hindi pa nakikilalang salarin habang takipsilim nitong Sabado ang Pakistani moneylender na si Arshad Taraz Khan habang naniningil ng pautang sa Barangay Salaman, Lebak, Sultan Kudarat.
STAR/File

COTABATO CITY, Philippines — Patay agad ang dalawang foreign moneylenders sa hiwalay na pamamaril sa dalawang magkalapit na probinsya sa Central Mindanao.

Unang napatay ng hindi pa nakikilalang salarin habang takipsilim nitong Sabado ang Pakistani moneylender na si Arshad Taraz Khan habang naniningil ng pautang sa Barangay Salaman, Lebak, Sultan Kudarat.

Sa ulat nitong Lunes ni Lt. Col. Julius Malcontento, hepe ng Lebak municipal police, nilapitan si Khan ng isang lalaking may dalang .45 caliber pistol at pinaputukan ng dalawang beses saka agad na tumakas.

Sunod na napaslang ay ang Indian national na si Jaspreet Singh, isa ring moneylender makaraang tambangan ng mga ‘di kilalang suspek nitong Linggo sa Barangay Damalusay, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.

Sa imbestigasyon, sakay ng motorsiklo si Singh nang harangin ng dalawang lalaking may baril na nakaabang sa isang bahagi ng highway sa Brgy. Damalusay at agad siyang pinagbabaril sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Mabilis na tumakas ng mga suspek matapos na makitang napuruhan ang dayuhan.

Ang pagpatay kay Khan at Singh ay naganap dalawang linggo pa lang ang nakalipas mula nang mapatay rin sa ambush sa Buluan, Maguindanao del Sur, ang isang Indian moneylender din na si Laxman Singh. Tinangay ng mga nag-ambush sa biktima ang kanyang sling bag na may lamang cash collections bago sila tumakas.

Show comments