8 armadong lalaki nasabat ng militar
CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte, Philippines — Nadakip ng tropa ng 34th Infantry (Reliable) Battalion ang walong armadong lalaki matapos na makuhanan ng matataas na kalibre ng baril sa Brgy. Kudarangan, Midsayap II, SGA-BARMM noong nakalipas na linggo.
Kinilala ni Lt. Col. Rey Rico, pinuno ng 34IB ang mga nahuli na sina Mangumpal Tutukan, Ali Usman, Ebrahin Usman, Kadil Kaninda, Jonix Esmail, Solaiman Kamensa, Kevin Ebrahim at Tha Usman; pawang ng Brgy. Kadigasan, Midsayap II, SGA-BARMM.
Nakuha naman sa pag-iingat ng walo ang iba’t ibang klase ng matataas na baril kagaya ng pitong M14, pitong M16, mga magasin at iba’t ibang bala.
Batay sa ulat, habang nagpapatrolya ang mga elemento ng 34IB nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek dahilan para gumanti sila ng putok at tumagal ng limang minuto ang bakbakan.
“Grupo ni Sukarno Madidis Tayuan alias Sukarno Katog ang responsable sa nasabing pang-aatake, kaya nagsagawa na tayo agad ng security measures upang maiwasan ang pagkalat pa ng engkwentro ng dalawang naglalabang grupo nitong Miyerkules ng hapon,” wika ni Lt. Col. Rico.
Ayon naman kay Major General Alex S. Rillera, commander ng 6ID at JTF-Central, ang matagumpay na pag-aresto ng walong suspek sa Brgy Kudarangan, Midsayap II, SGA-BARMM, ay nagpapakita ng masusing pagmamatyag at mabilis na aksyon ng tropa mula sa 34th Infantry (Reliable) Battalion.
- Latest