Lola sinamahan lang sa pagtulog
CANDELARIA, Quezon, Philippines — Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, nasunog ang isang residential house na nagresulta sa pagkamatay ng anim na magkakapamilya na kinabibilangan ng isang lola at lima niyang apo sa Ramos Street, Brgy. Masalukot 1 ng bayang ito, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa ulat na tinanggap ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Ledon Monte, ang nasawi ay ang 69-anyos na lola ng pamilya na si Delia Corales Cruzat at ang kanyang limang apo na sina Darline Joy Cruzat Quirrez, 21; Crissa Joy Cruzat Quirrez, 18, parehong college student; Priscess Joy Cruzat Quirrez, 16, high school student, Tristan Jino Cruzat Pola, 10, Grade 5 student at Kylie Joy Cruzat Quirrez, 9, Grade 4 student.
Nasugatan naman subalit nakaligtas ang kanilang 48-anyos na nanay na si Vangie Quirrez, at ang isa pang kaanak na Edna Cruzat, 37-anyos, matapos magawang makalabas ng mga ito sa nasusunog na bahay.
Ayon kay FO3 Melchor Macuha ng Candelaria BFP, ang nasunog ay bahay ng lola at sinamahan lamang ito ng kanyang mga apo at ng nanay ng mga bata sa pagtulog nitong gabi na mangyari ang sunog.
Sa pagsisiyasat, sumiklab ang apoy dakong ala-1:00 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mga biktima sa isang kuwarto na nasa dakong likuran ng 2nd floor.
Ayon sa Candelaria BFP, base sa puwesto ng mga labi hindi na nagawang lumabas ng mga biktima dahil sa may grills ang bintana ng kuwartong kinagtapuan sa mga ito.
Hindi naman ganap na nasunog ang bahay at ang mga biktima na ayon sa BFP ay posibleng suffocation ang ikinasawi.
Umabot sa unang alarma ang sunog na idineklarang fire out dakong alas-2:30 ng madling araw.
Faulty electrical wiring ang nakikitang sanhi sa sunog.