Matapos ang pamamaril sa Victory Liner bus
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Inilunsad kahapon ng mga tauhan ng Regional Highway Patrol Group-Calabarzon ang pro-active approach sa mga pasahero ukol sa seguridad ng buong rehiyon kasunod ng pagkamatay ng dalawang pasahero sa loob ng Victory Liner bus patungong Maynila sa Nueva Ecija, noong nakaraang Nob.17.
Sa pangunguna ni Col. Rommel Estolano, HPG4a director, ay nagsagawa ng sabay-sabay na pamamahagi at pagpapaskil ng passengers safety advisory sticker sa buong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) bus at terminals, bandang alas-8 ng umaga.
“Sa pamamagitan ng pag-post ng hotline number sa loob ng pampasaherong bus, ang mga pasahero ay maaaring mabilis na mag-dial o mag-text sa numero para sa mabilis na pagtugon ng mga tauhan ng HPG habang nagsasagawa ng patrolling ang mobile patrol vehicles at mga motorsiklo, upang maiwasan natin ang anumang kriminalidad tulad ng nangyari sa insidente ng pamamaril sa Nueva Ecija,” sabi ni Estolano.
Bahagi ng mga hakbang sa seguridad ang paglalagay ng mga surveillance camera sa loob ng mga terminal at maging sa mga bus upang subaybayan ang paggalaw ng mga pasahero, dagdag ni Estolano.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko, mga motorista, pasahero ng bus at jeepney na agad i-report sa awtoridad ang mga kahina-hinalang tao at indibidwal na nasa loob ng anumang sasakyan, at basahin ang advisory sticker at security tips na nakapaskil sa loob ng bus.
Nasa 200 mobile patrol cars at 30 motorsiklo ang 24/7 na nagpapatrolya sa buong rehiyon, ayon kay Estolano.