CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay ang isang drug suspect habang dalawang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sugatan sa buy-bust operation na nauwi sa shootout sa Barangay District 1, Balayan, Batangas, nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat, ang suspek na si Michael Maningat alias “Choi”, nakatalang number 10 sa drug personality sa Regional Target list, ay idineklarang dead-on-the-spot sa encounter site matapos makipagbarilan umano sa mga operatiba ng PDEA4A-Batangas.
Isang kasama ni Maningat na si Deejeff Rodriquez ang naaresto sa operation.
Ang dalawang sugatang PDEA agents ay sina Intelligence Officer 1 (IO1) Kim Patrick Dela Cruz at IO3 Joven Sevilla, 47, na kapwa ginagamot sa Balayan Medical Center.
Sa ulat, nagsagawa ang Intelligence operatives ng PDEA at local police ng entrapment operation laban sa mga suspek dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa sa Tingloy Street, Barangay Uno. Gayunman, nakatunog umano ang mga suspek sa kasagsagan ng transaksyon sanhi upang manlaban si Maningat at nagbunsod ng madugong barilan.
Narekober mula sa napatay na suspek ang may 20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000, buy-bust money, caliber .22 at pitong bala.