MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ngayon ng pulisya ang isang video na inilabas ng kapatid ng isang ginang na kabilang sa brutal na pinatay sa loob ng bus ng Victory Liner habang bumabagtas sa Carranglan, Nueva Ecija, na maaaring makatulong at magbigay linaw sa nasabing karumal-dumal na krimen.
Sa nasabing video, tila nagpapakita ito ng galit ng biktimang si Gloria Mendoza Quillano sa sariling anak bago ang brutal na pamamaslang sa ginang at sa kinakasama nito noong Miyerkules habang lulan ng bus.
Sa nasabing video, may pahayag si Quillano na -- “Ginawa ko itong video na ito para sabihin na ang aking anak na si—ay walang karapatan mag-stay sa bahay ko o kumuha ng mga ani.”
Magugunita na bukod kay Quillano, 60-anyos, patay rin ang live-in partner niyang si Arman Bautista, 55, dahil sa mga tama ng bala ng baril sa ulo na makikita sa video ang aktuwal na pagpatay sa dalawa.
Ayon sa kapatid ni Quillano, wala silang ibang hangad kundi mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kapatid niyang si Gloria at lumabas ang katotohanan.
Lumalabas na una nang kinasuhan ni Gloria ang kanyang sariling anak ng carnapping at robbery subalit nakapagpiyansa.
Pero iginiit ng abogado ng anak ng biktima na nagkaayos at nagkapatawaran na ang mag-ina kaya laking gulat nila nang maglabas ang PNP na isa siya sa “person of interest” sa krimen.
Matatandaang pinagbabaril sa ulo nitong Miyerkules ng tanghali ng dalawang hinihinalang “hired killers” sina Quillano at Bautista habang sakay ng bus sa Carranglan, Nueva Ecija.