Medtech student nambasted, binaril ng manliligaw sa iskul
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang babaeng 3rd year medical technology student ng St. Paul University of the Philippines matapos barilin ng kapwa estudyante na kanyang binasted sa panliligaw sa loob ng naturang unibersidad nitong Nobyembre 11 sa Tuguegarao City.
Agad namang isinugod sa Cagayan United Medical Doctors Center (CUDMC) ang biktimang si Althea Vivien Mendoza, nagbo-board sa Arellano Extension, Ugac Sur, Tuguegarao City, Cagayan.
Matapos naman ang ilang oras, isinuko ng kanyang magulang ang suspek na si Kristian Rafael Ramos ng Iligan City, Isabela at isa ring 3rd year medical technology student.
Ayon sa inisyal na report ng Tuguegarao Police, nangyari ang insidente dakong alas-5:33 ng hapon nitong Sabado sa parking lot ng nabanggit na unibersidad.
Sa salaysay ng dalawang saksi na sina Jun-Jun Ignacio, security guard at Mark Anthony Laude, library staff, narinig nila ang paghingi ng tulong ng biktima mula sa back gate ng unibersidad.
Agad tinungo ng dalawa ang lugar at nakita nila ang biktima at suspek na nag-aaway sa loob ng isang Hyundai Accent.
Lumabas ng sasakyan si Mendoza habang tinutukan ni Ramos ng baril ang dalawang saksi kaya sila napatakbo palayo sa lugar. Dito na binaril ni Ramos si Mendoza at saka tumakas gamit ang nasabing sasakyan.
Nabatid naman kay PNP-Tuguegarao Information Officer PCapt. Ana Marie Anog, na lumitaw sa kanilang pagsisiyasat na nililigawan ni Ramos si Mendoza subalit binasted nito.
Posible umanong hindi matanggap ng suspek ang pambabasted dahil kaibigan lamang ang turing ng biktima sa kanya.
Nakuha sa crime scene ang isang tingga ng caliber 45. Inaalam na rin ng pulisya kung sino ang nagmamay-ari ng baril na ginamit ng suspek.
Nahaharap sa kasong frustrated murder at paglabag sa election gun ban si Ramos na ngayon ay nakapiit na sa Tuguegarao City Police Station.
- Latest