Mag-live in na dinukot, natagpuang patay!
MANILA, Philippines — Kapwa patay na nang matagpuan sa isang construction site sa Alaminos, Laguna ang live in partners na dinukot sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon noong Biyernes.
Kinumpirma ng mga kaanak sa himpilan ng Lucena City Police, base sa mga tattoo at ibang palatandaan na ang dalawang bangkay na natagpuan ay ang nawawala nilang kaanak noon pang Biyernes ng umaga.
Sila ay kinilalang sina Loloy Sagala, 50-anyos, naninirahan sa Barangay Marketview, at ang live in partner nitong si Annvel Alvelez, 40-anyos, tubong Bohol.
Base sa salaysay sa himpilan ng pulisya ng mga kaanak ng biktima, ang dalawang biktima ay sakay ng kulay blue na single motorcycle at binabagtas ang Barangay Road dakong alas-3:00 ng hapon.
Ayon sa mga saksi, nang mapatapat sa Del Maro Resort sa Barangay Ibabang Iyam, Lucena City ang mga biktima ay hinarang sila ng isang kulay puting van saka sapilitang isinakay.
Base naman sa ulat ng Alaminos Police sa Laguna, natagpuan ang mga biktima sa TR4 Road na sakop ng Barangay San Miguel dakong alas-7:20 ng umaga nitong Sabado.
Ang mga biktima ay parehong nakatali ang mga kamay na nakalagay sa kanilang likuran at kapwa nakabalot ng packaging tape ang mga ulo at nakasako nang matagpuan.
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Alaminos at Lucena Police hinggil sa nasabing krimen.
- Latest