Sasakyang iniuugnay sa 'missing beauty queen' natagupuan sa Batangas
MANILA, Philippines — Isang sports utility vehicle (SUV) na iniuugnay sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon ang nakita ng otoridad sa Batangas City, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 4A.
Ayon kay CIDG 4A chief Police Colonel Jacinto Malinao Jr. na nakarating sa kanila ang balitang inabandona ang naturang kotse sa baranggay Dumuclay simula pa noong Huwebes.
"We are still waiting for the results of SOCO operations for possible presence of biological trace evidence like hair or blood," ani Malinao sa ulat ng GMA News, Biyernes.
"This is a continuing effort aside from other investigative activities that we are conducting."
Aniya, dinala na ang naturang SUV sa Batangas Provincial Police Office para sumailalim sa forensic tests.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas matapos lumutang ang dalawang testigo sa kaso. Aniya, nakita nilang duguan si Camilon habang inililipat sa isang sasakyan noong ika-12 ng Oktubre.
Tinitignan na sa ngayon ang anggulong pag-ibig bilang motibo sa naturang krimen.
Nag-aantay ang P250,000 pabuya para sa mga makapagbibigay ng impormasyon sa lokasyon ni Camilon. Ang nasabing halaga ay galing kay Batangas Vice Governor Mark Leviste.
Una nang tiniyak ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na hindi magkakaroon ng "whitewash" sa imbestigasyon ng pagkawala ni Camilon, kahit na pulis ang isa sa mga tinitignan ngayon bilang isa sa mga persons of interest.
Ang PNP ay isang ahensya ng gobyerno na nasa ilalim mismo ng Department of the Interior and Local Government.
- Latest