Mangingisda pinatay sa saksak ng kasama sa gitna ng dagat

MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang mangingisda nang saksakin siya  ng kasama habang nangingisda sa gitna ng karagatan ng  West Philippine Sea, may 100 nautical miles malapit sa baybayin ng  Agno, Pangasinan noong Martes ng hapon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Raffy Regalado Lupage, na nagtamo ng saksak sa sikmura at  residente ng  Barangay Cato, Infanta, Pangasinan.

Tumakas naman ang suspek sakay ng isang bangka na nakilalang si Greggy Polo Ytac, 40.

Sa salaysay ng saksing si Alfonso Monta Etac, pinsan ng biktima na napansin nila ang kakaibang kilos ng suspek na tila balisa at wala sa sarili habang sila ay nasa gitna ng karagatan.

Nagulat sila nang biglang kinuha nito ang 10 pulgadang patalim at sinaksak si Lupage sa kaliwang sikmura na naging dahilan para ito ay bumagsak sa dagat.

Pagkatapos ay muli itong mananaksak kaya’t nagtalunan sila sa dagat upang makaiwas sa suspek.

Itinapon ni Ytac ang ginamit na patalim at tumakas sakay ng isa pang bangka.

Dinala agad si Lupage sa Rural Health Unit sa Infanta, subalit idineklarang dead on arrival.Tinutugis na ng pulisya si Ytac.

Show comments