2 testigo sa missing beauty queen, lumutang
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawang “eyewitness” sa nawawalang teacher at beauty queen finalist na si Catherine Camilon sa Tuy, Batangas noong Oktubre 12, ang lumutang sa himpilan ng pulisya kahapon.
Ayon kay Col. Jacinto Malinao Jr, CIDG4A director, ang dalawang testigo ay dumating sa Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon at nagbigay ng kanilang mga nalalamang impormasyon kaugnay sa pagkawala ni Camilon.
Sinabi ni Malinao na ang dalawang testigo ay may “personal knowledge” sa pagkawala ni Camilon at ito ay makakatulong sa kanilang materyal na impormasyon sa kaso.
“We are conducting backtracking investigation with the help of two video footage of close circuit television camera that could help in the investigation,” ani Malinao.
Ayon kay Malinao, wala pa silang “physical proof” na ang nawawalang si Camilon ay “wala na” o yumao na. Nasa dalawa o higit pang indibiduwal ang tinukoy na mga “persons of interests” (POIs) sa pagkawala ni Camilon.
Dagdag ng opisyal, doble trabaho ngayon ang mga imbestigador ng CIDG4A upang makakalap ng mga ebidensya laban sa mga POIs sa posibleng sangkot sa pagkawala ni Camilon.
“We’re trying to identify with the help of evidence the people or persons who may be involved in Camilon’s disappearance,” pahayag ni Malinao sa CIDG4A Facebook account.
Una nang sinabi ni PNP Chief Benjamin Acorda na may progreso na ang isinagawang imbestigasyon sa kaso ni Camilon at umapela siya sa mga POIs na sumuko na sa mga awtoridad.
Binanggit din ng PNP na kabilang sa tinitingnan nila sa mga POIs ay isang pulis at isang dating may-ari ng sasakyan ni Camilon.
- Latest