MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon kabilang ang mga pagguho ng lava sa Albay.
Sa tala ng Phil Volcanology and Seismology (Phivolcs) may mabagal na pagdaloy ng lava sa may Misi gully na may 2.8 kilometro, 3.4 kilometrong pagdaloy ng lava sa may Bonga gully at 1.1 kilometer na pagdaloy ng lava sa may Basud Gully.
Mayroon namang 4-kilometrong pagguho ng lava mula sa bunganga ng bulkan sa nakalipas na 24 oras.
Nagtala rin ang bulkan ng 162 volcanic earthquake,172 rockfall events at pagluwa ng asupre na may 958 tonelada. Mayroon din itong pagsingaw na may 400 metro ang taas at nagtala ng dalawang pyroclastic density current events at pamamaga ng bulkan.
Bunsod nito, patuloy na pinagbabawal ng Philvolcs ang pagpasok ng sino man sa loob ng 6-kilometer danger zone at pagpapalipad ng aicraft sa may ibabaw ng bulkan dahil sa banta posibleng pag-agos ng lahar kung makakaranas ng ulan sa lugar, pagtilapon ng lava at pagputok ng bulkan.
Ang bulkang Mayon ay nananatiling nasa alert level 3.