MANILA, Philippines — Buong pagpapakumbabang tinanggap ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes ang boses ng mamamayan ng Bulacan na tutol na mapabilang ang kanilang lungsod bilang Highly Urbanized City (HUC).
Si Robes ay isa sa pangunahing nagsulong ng kampanya para sa HUC ng SJDM pero ayon sa mambabatas ay nagsalita na ang Bulakenyos sa katatapos na plebisito na isinabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) nitong Oktubre 30.
Sa nasabing plebisito, natalo ang pagsusulong para mapasama sa mga HUCs ang SJDM dahil tutol dito ang nakararaming Bulakenyo.
“Taus-puso po kaming nagpapasalamat sa lahat ng aming minamahal na San Joseño at kapwa namin Bulakenyo sa inyong paglahok sa nakaraang plebisito,” ayon kay Robes.“Bagaman nabigo ang tuntunin na aming sinuportahan, lubos naming tinatanggap ang kalooban ng sambayanan. Ito ang diwa ng ating demokrasya, at makaaasa po kayo sa aming puspos na pagtataguyod,” dagdag nito.
Sinabi ng kongresista na ang mister ay si SJDM Mayor Arthur Robes, na ipagpatuloy nilang mag-asawa ang pagpapaunlad sa lungsod upang pagsilbihan ang kanilang mga constituents.
“Tuloy pa rin ang pagpupunyagi namin na paunlarin ang lungsod, ibigay ang serbisyo sa kabila ng pagkabigo nating makuha ang HUC status ng aming lungsod. Hindi sa pagkatalo sa plebisito nagtatapos ang aming adhikain na mas paunlarin ang siyudad San Jose del Monte. Magiging inspirasyon pa namin ito na higitan ang nagawa na namin sa aming lungsod,” dagdag pa ng lady solon.
Pinaniniwalaang malaki ang naging impluwensya nina Bulacan Gov. Daniel Fernando at ex-Gov. Wilhelmino Alvarado na aktibong nangampanya para huwag iboto na mapabilang sa HUC ang SJDM.