MANILA, Philippines — Isang lalaking pasahero ang pinaghahanap ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang mahulog sa sinasakyang barko habang naglalayag sa karagatang bahagi ng Batangas nitong Martes ng hapon.
Kinilala ng PCG ang pasahero na si Ralph Bernard Gerona, 26, at residente ng Iloilo City.
Sa inisyal na ulat ng PCG, sakay si Gerona ng MV Maligaya, isang cargo-passenger vessel, na naglalayag sa may katubigan ng Calatagan, Batangas, alas-3:50 ng hapon nang malaglag sa tubig.
Ang barko na pag-aari ng 2GO Shipping Corporation ay patungo ng Maynila mula sa Bacolod na may sakay na 126 tripulante at 425 na mga pasahero.
Agad na inalerto ng PCG ang Vessel Traffic Management Service (VTMS)-Corregidor operator ukol sa insidente ng “man overboard”.
Nagkasa rin ang Coast Guard Sub Station Calatagan ng “search and rescue operation” sa koordinasyon ng VTMS Batangas, mga sea marshall na sakay ng MV Maligaya, at CGSS Lubang. Tumutulong rin sa operasyon ang MV Solid Sun na nasa bisinidad.
Sa kabila ng operasyon, bigo ang mga otoridad na mahanap ang biktima nang abutan na ng dilim kaya itinigil ang operasyon dakong alas-6:20 ng gabi.
Ibabalik ang SAR operation kapag umayos na ang kundisyon ng karagatan.