Kagawad utas sa polling precinct, CAFGU patay din

Ayon kay Lt. Col. Arlan Delumpines, hepe ng Lamitan City police, agad na nasa­wi sa mga tama ng bala si Antataha Nadjuwal, kagawad ng Barangay Luksumbang, nang pagbabarilin ng CAFGU member na si Euiliano Custodio Enrique.
STAR/File

COTABATO, Philippines — Isang kagawad ang napatay nang pagbabarilin ng isang miyembro ng Citizens Armed Forces Geo­graphical Unit (Cafgu) na napatay din sa loob ng eskwelahan kung saan isi­nasagawa ang eleksyon, kamakalawa ng hapon sa Barangay Luksumbang, Lamitan City, Basilan.

Ayon kay Lt. Col. Arlan Delumpines, hepe ng Lamitan City police, agad na nasa­wi sa mga tama ng bala si Antataha Nadjuwal, kagawad ng Barangay Luksumbang, nang pagbabarilin ng CAFGU member na si Euiliano Custodio Enrique.

Nabaril din at nasugatan ni Enrique ang barangay chairman ng Luksumbang na si Jem­son Cervantes na agad namang isinugod sa pagamutan ng mga pulis at sundalong nagbabantay ng mga polling precincts kung saan naganap ang insidente.

Tinangkang pasu­kuin ng mga pulis at sundalo si Enrique ngu­nit nagtangka itong man­laban kaya siya ay agad na pinaputukan na naging sanhi sa kanyang agarang ka­matayan.

Ayon sa kanyang mga kamag-anak, ma­tagal na nilang napansin na may kakaibang pag-uugali si Enrique at bugnutin tuwing puyat sa pag-duty ng gabi sa mga CAFGU detachments sa Lamitan City.

Show comments