Mag-utol na paslit nalitson sa sunog sa Cebu
MANILA, Philippines — Nalitson ng buhay ang magkapatid na paslit nang masunog ang kanilang bahay dahil sa napabayaang kandila habang ang kanilang mga magulang ay nasa kapitbahay kamakalawa ng gabi sa bayan ng Carmen, Cebu.
Nasa edad 8 at 5 ang mga nasawing biktima, habang nakaligtas naman ang 11-anyos nilang ate at bunso na 2-taong gulang matapos bitbitin ng panganay palabas ng nasusunog na bahay sa Purok Bas Barangay Dawis Norte ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ni Police Chief Master Sergeant Arniel Manos ng Carmen Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente,alas-9:30 ng gabi kung saan natutulog na ang apat na magkakapatid sa kanilang bahay habang ang kanilang mga magulang ay nasa kapitbahay.
Sa inisyal na ulat na nag-ugat ang sunog sa naupos na kandila na ginagawang ilaw ng pamilya dahil sa walang kuryente ang bahay.
Napag-alaman na nagising ang 11-anyos na batang babae na panganay sa magkakapatid dahil sa nararamdamang init at agad nitong kinuha ang bunsong kapatid at mabilis na lumabas ng bahay.
Dahil sa gawa sa kahoy at iba pang light materials ang bahay ay mabilis na kumalat ang apoy dahilan upang hindi na nakuha pang makalabas ang magkapatid at tuluyang natupok ng apoy.
- Latest