Bicol Express project matatapos sa administrasyon ni Pangulong Marcos

Photo shows a Philippine National Railways (PNR) train as it arrives in España Station, Manila on July 15, 2023.
STAR / Ernie Penaredondo

MANILA, Philippines — Dahilan sa misyong Build Better More (BBM) sa larangan ng imprastraktura, positibo si Bicol Saro Partylist Rep. Brian Raymund Yamsuan na matatapos ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuhay muli sa modernisasyon ng Philippine National Railways (PNR) Bicol Express.

Ito’y sa kabila nang abandonahin ng Department of Transportation (DOTr) ang China bilang funding source ng proyekto.

Sinabi ni Yamsuan na patunay nito ay ang isinagawang groundbreaking kamakailan ni Pangulong Marcos sa resettlement sites ng mga residente ng La­guna at Quezon na maapektuhan ng kons­truksyon ng nasabing rail project.

Ayon kay Yamsuan, ang pag-atras ng administrasyon sa loan application sa China para sa proyekto ay mas higit ang benepis­yo para sa gob­yer­no dahilan sa puwede pang makakuha ng iba pang sources ng pondo para sa cost-effective finan­cing packages.

Ang unang antas sa pagbuhay sa Bicol Express line ay kilala bilang South Long Haul Project na magsisimula sa Banlic sa lalawigan ng Laguna at babaybay sa maraming lugar sa lalawigan ng Quezon, Camarines Sur at Albay.

Ang riles ay magtatapos sa Daraga, Albay at ang extension line naman ay kasalukuyan pang tinitingnan sa lalawigan ng Sorsogon.

Samantalang ang mga lokasyon ng mga sites ay matatagpuan naman sa San Pablo City sa Laguna at mga bayan ng Tiaong, Candelaria,Sariaya at Pagbilao sa lalawigan naman ng Quezon.

Show comments