MANILA, Philippines — Minobilisa na ng AFP-Visayas Command (AFP-Viscom) ang Election Monitoring Center (EMC) sa kanilang tanggapan sa Camp Lapu-Lapu, Cebu City upang lalo pang palakasin ang pagbabantay sa deployment ng security forces para sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) bukas, Oktubre 30.
Sinabi ni AFP-Viscom Public Information Office chief Lt. Col. Israel Galorio, magkakaroon ng direktang komunikasyon ang EMC sa lahat ng itinayong Election Monitoring Action Centers (EMAC) mula regional hanggang sa municipal level.
Samantala, mayroon din ang EMC na mga high-end communication at IT equipment upang masiguro na hindi maantala ang komunikasyon lalo na sa araw mismo ng botohan.
“The Election Monitoring Center provides us with direct communication to our units on the ground, allowing us to have real-time information and updates on the situation, especially during the election. This will also ensure smooth coordination between and among security forces, and the COMELEC to expedite our response in case of any eventualities that may occur during the election,” pahayag ni AFP-Viscom commander Lt. Gen. Benedict Arevalo.
Ang EMC ng AFP-Viscom ang makikipag-coordinate sa PNP, Philippine Coast Guard, at Comelec sa regional level samantalang pangangasiwaan din nito ang deployment ng mga security personnel sa mga polling centers sa buong Visayas Region. Ang mga ito ang magbabantay sa mga election-related events o insidente gayundin sa electoral process sa araw ng eleksyon.
Ang EMC ay kabibilangan ng mga Army, Navy, at Air Force Officers at Enlisted Personnel sa ilalim ng Viscom para masiguro ang epektibong interoperability sa pagresponde sa mga kaso at iba pang kaganapan.Bukas ang EMC ng 24-oras simula ngayong araw ng Sabado.