Bokal ng Cavite, kinasuhan sa Ombudsman
Naaktuhan habang nagka-casino
MANILA, Philippines — Kinasuhan sa Ombudsman nitong Oktubre 26, 2023 ang Bokal ng ika-5 distrito ng Cavite na si Paolo Poblete Crisostomo dahil umano sa pagsusugal sa isang casino na nakuhanan pa ng litrato.
Paglabag sa Presidential Decree No. 1869, Office of the President Memorandum Circular No. 06, series of 2016 at DILG Memorandum Circular Nos. 2017-20 at 2018-25 ang kinakaharap ni Crisostomo dahil sa umano’y pagpasok, paglagi at paglalaro nito sa casino.
Ayon sa sinumpaang salaysay ng isang testigo, nakita niya umano si Crisostomo na nagsusugal sa isang sikat na casino sa Pasay City noong Hulyo 22, 2023 dakong alas-8 ng gabi. Umupo raw ito sa isang mesa ng sugalan at naglaro.
Sa litratong isinumite sa Ombudsman bilang ebidensya, makikita ang isang kalbong lalaking may kalakihan ang katawan at nakasuot ng pulang t-shirt at asul na shorts.
Ayon pa sa testigo, namukhaan daw agad niya si Crisostomo kaya niya ito kinuhanan ng litrato.
Nang panahong iyon, si Crisostomo ay nagsilbi bilang Bokal ng Cavite dahil sa posisyon nitong pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) ng probinsya at kapitan ng Barangay Poblacion 4 sa bayan ng Silang.
Ayon sa OP Memorandum Circular No. 06, series of 2016, mahigpit na ipinagbabawal sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na pumasok, mamalagi at maglaro sa mga lugar ng sugalan tulad ng casino.
- Latest