TAYABAS CITY, Philippines — Nadagdagan na ang pagpipilian ng mga residente ng lalawigan ng Quezon sa maghahatid ng balita, impormasyon at magagandang musika.
Ito ay matapos pasinayaan kamakalawa ang bagong FM Radio Station sa Barangay Calumpang sa lungsod na ito. Ito ay tinawag na DZDG -96.7FM Radio Station na pinamamahalaan ng negosyanteng si G. Bodgie Bariata.
Ang nasabing radio station ay pamamahalaan bilang station manager at operations officer ni retired RTC Judge Romeo Villanueva na naglingkod rin bilang mamamahayag sa nakalipas na 30 taon.
Naging panauhin sa pagpapasinaya ng DZDG-FM si Tayabas City Mayor Lovely Reynoso-Pontioso, Lucena City Mayor Mark Alcala, Former Board Member Romano Talaga na kumatawan kay Governor Helen Tan, 3rd District Rep. Reynan Arrogancia at NTC Region IVA Director Rolando DS San Luis.
Nangako si Atty. Villanueva na ilalagay nila ang kanilang radio station sa mataas na antas ng broadcasting at maghahatid ng patas at totoong impormasyon.