MANILA, Philippines — Umiinit na ang pulitika sa Cavite matapos na ireklamo ng “vote buying” ng dating alkalde ang incumbent mayor ng Trece Martires City kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30, ayon sa ulat ng pulisya nitong Sabado.
Sa inihaing reklamo ni dating Trece Martires City Mayor Melencio De Sagun, na naitala sa himpilan ng Trece Martires City Police dakong alas-6:55 ng gabi nitong Biyernes, tahasang sinabi nito na sangkot sa vote buying si Trece Martires City Mayor Gemma Lubigan na tinukoy sa report ng pulisya na alias “Gemma”.
Base sa salaysay ni De Sagun, nangyari umano ang vote buying na kinasangkutan ni Lubigan dakong alas-9 ng umaga noong Oktubre 20 na naabutan niya sa Queen’s Joy Resort sa Brgy. San Agustin, Trece Martires City.
Ayon kay De Sagun, agad niyang napansin ang pagtitipon ng mga tao sa meeting hall ng nasabing resort.
Nag-isyu naman ng sertipikasyon ang Trece Martires City Police Station at agad nagtungo ang mga operatiba sa Queen’s Joy Resort upang alamin kung may katotohanan ang alegasyon ng dating alkalde ng lungsod.
Ang pangyayaring ito ay ipinaabot na rin sa kaalaman ni Comelec election officer Atty. James Andrew Recio.
Sa panig ng kampo ni Lubigan, itinanggi nila na sangkot sa vote buying ang alkalde.
“The investigation is still ongoing to prove the claims of Mr. De Sagun and will prepare necessary papers for filing of case if warranted,” ayon sa report ng Calabarzon Police.