Seguridad sa BSKE 2023, pinaigting
COTABATO CITY, Philippines — Nasa 500 pang sundalo ang dumating sa Mindanao bilang karagdagang puwersa upang tumulong sa election security mission ng mga lokal na pamahalaan sa mga liblib na lugar sa Bangsamoro region at Central Mindanao kaugnay ng gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na Oktubre 30.
Lumapag nitong Biyernes sa Cotabato City Airport ang C130 plane ng Philippine Air Force na sinakyan ng mga tropang sundalo mula sa iba’t ibang dibisyon ng Philippine Army sa Luzon. Sila ay malugod na sinalubong ng mga peace advocacy groups at mga opisyal ng 6th Infantry Division na siyang magpapakalat sa kanila sa iba’t ibang bayan.
Sinabi nitong Sabado ni Mayor Rolly Sacdalan ng Midsayap, Cotabato, malaking bagay ang pagtatalaga ng dagdag pang mga sundalo upang magpatupad ng seguridad sa mga lugar na may tensyon sanhi ng girian ang malalaking mga angkan na may kanya-kanyang mga kandidato at private armies.
Ayon kay Sacdalan, ang kanilang municipal peace and order council na kanyang pinamumunuan at mga religious at traditional Muslim at Christian leaders na sakop ng kanyang administrasyon ay suportado ang magkatuwang na inisyatibo ng Commision on Elections, Philippine National Police at 6th-ID na maging mapayapa ang BSKE.
Nagtutulungan sina Army Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th ID, at si Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza sa pamamalakad ng joint Army-police election security duties sa mga bayang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Nobleza, tumutulong din sa kanila ang tanggapan ni BARMM Local Government Minister Naguib Sinarimbo, na ang mga empleyado sa mga probinsya ng Bangsamoro region ay kabilang sa mga sektor na nagsulong ng paglagda sa mga peace covenants ng mga kandidato nitong nakalipas na ilang mga araw.