SAN FRANCISCO, Quezon, Philippines — Dalawang mangingisda na residente ng bayang ito ang nakaligtas matapos magpalutang-lutang ng tatlong araw ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Romblon.
Ayon sa ulat, pumalaot ang mga mangingisda na sina Ronnie Latiado, 24-anyos at Edlyn Esquilona, 26-anyos na parehong residente ng Barangay Pagsanghan, San Francisco, Quezon noong Lunes, Oktubre 16, 2023. Nagpasya silang umuwi noong Martes ng umaga subalit nagkaroon ng problema sa makina ang kanilang bangka.
Sinubukan ng dalawang mangingisda na palitan ang kanilang makina ngunit nabigo sila, na naging sanhi ng pag-anod nila ng ilang araw habang naghihintay ng tulong ngunit walang ibang sasakyang pandagat ang nakapansin sa kanila.
Nagpalutang-lutang ang dalawang mangingisda sa dagat hanggang ma-rescue ng mga otoridad sa may Brgy. Alegria, Corcuera, Romblon nitong Biyernes. Dinala sila sa Malipayon District Hospital at natukoy naman na nasa maayos silang kondisyon. Binigyan din sila ng pansamantalang tirahan at mga pangangailangan tulad ng pagkain.
Nakipag-ugnayan na ang mga tauhan ng Coast Guard Command Outpost Corcuera sa MDRRMO San Francisco, Quezon para sa pag-uwi ng dalawang mangingisda.