2 dayuhang dinukot nasagip sa Cavite, 4 timbog
Iginapos, mata at bibig naka-tape
MANILA, Philippines — Dalawang dayuhan na dinukot ng mga ‘di kilalang suspek ang nasagip ng awtoridad sa tulong ng isang residente na nakadiskubre sa mga biktima habang nakagapos ang mga kamay at may packaging tape sa mata at bibig sa isang bahay sa loob ng isang subdibisyon sa Campbridge St. Brgy. Manggahan, General Trias City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Lt. Col Jose Naparato, General Trias police chief, kinilala ang mga biktima na sina Wen Zhang Chen, 46, Chinese national, residente ng Sta. Cruz, Metro Manila at kasamang si Chong Wing Tai, 55, Hongkong citizen at residente ng Concorde Village Sunrise Parañaque City.
Alas-8 ng gabi nang madiskubre ng isang staff ng Story Hotel sa Metro South Subdivision ang dalawang biktima na paungol na humihingi ng tulong sa loob ng isang unit ng nasabing subdivision. Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at natagpuan ang mga kidnap-victims sa nasabing bahay.
Sinabi ni Naparato, agad namang naaresto ng nasabi ring araw ang apat sa pitong suspek kabilang ang isang Pinay matapos silang bumalik sa nasabing bahay makaraang kumain sa labas.
Ayon sa mga biktima, dinukot sila ng pitong ‘di kilalang Chinese at mga kasamahang Pinoy saka dinala sa isang unit sa Cambridge Street, Metro South sa Brgy. Biclatan, General Trias City, Cavite noong Lunes (Oct 16) ng alas-9 ng gabi.
Mula Parañaque, isinakay sa isang van ang mga biktima at habang bumabagtas sa highway, sila ay iginapos, piniringan ang mga mata at tinapalan ng tape ang mga bibig. Ilang oras din umano ang nasabing paglalakbay hanggang sa ibaba sila sa isang bahay sa nasabing lugar.
- Latest