P30 milyong droga samsam sa BARMM, sinunog

The illegal drugs were first examined by chemists before the actual destruction process in a private thermal power plant in Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Philstar.com / John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Magkatuwang na sinunog nitong Lunes ng mga opisyal ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan ang P30 milyong halaga ng illegal drugs na nasamsam sa serye ng anti-narcotics operation sa Bangsamoro region.

Ang naturang mga droga, kabilang na ang cocaine na abot sa P5 milyon ang halaga at tuyong marijuana na nagkakahalaga ng P813,740, ay nakum­piska sa mga operas­yon nitong nakalipas na mga taon ng mga kasapi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga probinsyang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Mismong si Christian Frivaldo, director ng PDEA-BARMM, ang nanguna sa pagsira ng mga kumpiskadong mga illegal na epektos sa isang malaking burner ng isang thermal power facility ng isang pribadong cornstarch factory sa Simuay Intersection Area sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Katuwang ni Frivaldo sa pagsasagawa ng naturang aktibidad ang mga kinatawan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, Police Crime Laboratory-BAR, National Bureau of Investigation-BARMM, Department of Justice, at Public Attorney’s Office dito sa lungsod.

Ayon kay Frivaldo, malaki ang naitulong ng mga police units sa BARMM na pinamumunuan ni Brig. Gen. Allan Nobleza, ng tropa ng 6th Infantry Division ng Philippine Army at Western Mindanao Command sa rehiyon sa mga operasyong nagresulta sa pagkakasamsam ng mga sinunog na droga.

Show comments