MANILA, Philippines — Maituturing na tagumpay sa mga miyembro ng Bacolod City Police ang pagkakasabat ng nasa P20.5 milyong halaga ng shabu mula sa isang “tulak” sa isinagawang buy-bust operation nitong Martes sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ni PCapt. Joven Mogato, hepe ng City Drug Enforcement Unit (CDEU), ang suspek na si Jummel Camento na itinuturing na high-value individual.
Ayon kay Mogato, dalawang linggo ang ginawang surveillance ng mga pulis sa illegal drug activities ni Camento hanggang sa ikasa ang buy-bust sa Barangay Singcang-Airport.
Sinabi ni Mogato na dinala ang mga droga sa bahay ni Camento nitong Lunes ng gabi at nakatakdang dalhin at ibenta sa labas ng Western Visayas.
Narekober kay Camento sa buy-bust operation ang nasabing bulto ng droga, P10,000 marked money at P1,500 cash.
Una nang nakulong si Camento noong 2012 sa kasong drugs subalit agad na napalaya matapos ibasura ng korte ang kanyang kaso.
Si Camento ay naging kliyente ni Michael Frias, miyembro ng Cauna Drug Group, na nadakip din ng CDEU sa buy-bust sa Brgy. Vista Alegre noong Agosto 10. Nakumpiska kay Frias ang nasa P14.3 milyong halaga ng shabu.