Mga paaralan sa danger zone ng Mayon, tuluyang isasara ng DepEd
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Hinahanapan na ng kapitolyo ng Albay ng lupang malilipatan na malayo sa peligro ang dalawang elementary schools na nasa loob mismo ng 6-kilometer radius permanent danger zone sa Bulkan Mayon upang tuluyan na itong ipasara ng Department of Education (DepEd).
Ang Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (Apsemo) na pinangungunahan ni Cedric Daep at mga opisyal ng LGU ang inatasan ni Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman na maghanap ng lupa na paglalagyan ng bagong mga elementary schools.
Mismong si Atty. Revsee Escobedo, Under Secretary for Operation and Administration ng Department of Education ang nagrekomenda sa lalawigan na maghanap na ng lugar na malilipatan ng Calbayog Elementary School sa bayan ng Malilipot at Magapo Elementary School sa Tabaco City.
Ayon umano sa opisyal, pumayag na si DepEd Secretary Sara Duterte Carpio na isara na lamang, alisin at magtayo ng panibagong paaralan sa ligtas na lugar dahil sa peligrong kinakaharap dito ng mga batang mag-aaral.
Sa datus ng DepEd-Bicol regional office, nasa 48 bilang ng public schools na nasa paligid ng bulkan ang nasa peligro. Dalawa ang nasa loob ng 6-kilometer permanent danger zone; 19 paaralan ang nasa loob ng 7-kilometer extended danger zone at 27 naman ang bilang ng mga nasa loob ng 8-kilometer radius extended danger area.
Nitong nakalipas na pag-aalboroto ng Mayon, sinabi sa panayam ni DepEd regional director Gilbert Sadsad na nasa 6,028 ang naging displaced learners mula sa mga pansamantalang isinarang paaralan at 13,846 ang affected learners sa mga paaralang ginamit naman bilang evacuation centers. Nasa 805 na bilang ng mga guro at iba pang mga kawani ng mga displaced schools ang naapektuhan.
- Latest