MANILA, Philippines — Nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pamilyang naulila ng tatlong mangingisdang nasawi sa Bajo de Masinloc — lugar na pilit inaagaw pa rin ng Beijing.
Ito ang ibinahagi ng DSWD ngayong Miyerkules kaugnay ng sinapit ng mga namatay na mangingisdang Pilipinong sakay ng FFB DEARYN noong ika-2 ng Oktubre.
Related Stories
Matatandaang nabangga ito ng isang banyagang foreign vessel, bagay na una nang tinukoy bilang ang crude oil tanker na Pacific Anna. Sinasabing dala nito ang watawat ng Marshall Islands.
"Our Central Luzon Field Office will continue to monitor and provide the necessary assistance to the families of the affected fishermen," ani Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez.
Kabilang sa mga namatay sa ramming incident ang sumusunod:
- Dexter Laundensia, 40-anyos
- Romeo Mejico, 38-anyos
- Benedick Uladandria, 62-anyos
Ani Field Office 3 (Central Luzon) Regional Director Venus Rebuldela, nakatanggap na ng tig-P10,000 burial assistance ang mga pamilya ng nabanggit na mangingisda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD, maliban pa sa kahon-kahong family food packs.
Binigyang tulong din ng DSWD FO-3 ang 11 pang mangingisdang nakaligtas sa insidente sa porma ng P5,000 cash assistance at pagkain.
Sinasabing nagmula lahat sa barangay Calapandayan sa Subic, Zambales ang lahat ng mga nakaligtas na biktima.
Ang Bajo de Masinloc, na kilala ring Scarborough Shoal, ay matatagpuan sa West Philippine Sea at sakop ng 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang Tsina sa pang-aakin sa eryang ito. Kamakailan lang nang lagyan ito ng "floating barriers" ng China Coast Guard, bagay na tinanggal din agad ng Philippine Coast Guard. — James Relativo