MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Pangasinan na nakaalerto na sila sakaling ilabas ang warrant of arrest laban sa 23 akusado sa iligal na operasyon ng e-sabong.
Ito’y matapos na hilingin ng Office of the Provincial Prosecutor of Pangasinan sa Regional Trial Court (RTC) ng Urdaneta City ang pag-isyu ng warrant of arrest.
Ang posibleng paglalabas ng warrant of arrest ay bunsod ng kabiguan ng mga akusado na dumalo sa arraignment noong October 5, 2023 sa sala ng Urdaneta City RTC Branch-45 laban sa mga akusadong pinamumunuan ng mag-asawang Rizalina at Simplicio Castro at anak na si Jewel Castro.
Una nang naaresto ng PNP-CIDG ang mag-asawang Castro sa isang raid sa Loac, Pangasinan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu naman ng Quezon City RTC Branch 77 sa multi-million investment scam na kinasasangkutan ng mga Castro at sa pag-ooperate ng iligal na e-sabong sa nabanggit na probinsiya habang si Jewel at isang Ethan Eleazar ay kabilang sa nakatakas sa pagsalakay.
Naniniwala naman si PNP-CIDG Director Maj. Gen. Romeo Caramat na si Eleazar at isang nagngangalang “Masayaki Kimura”, na hinihinalang alias lamang ni Jewel Castro, ay mga incorporators din ng Broiler Entrepreneurship Agriventures Inc., na may kasong syndicated estafa sa QC court.